5 Pinoy inaresto, ikinulong sa Israel

Limang OFW ang inaresto at ikinulong sa Israel dahil sa illegal na pagtatrabaho at pananatili doon.

Sa report sa DFA ng RP Embassy sa Tel Aviv, kinilala ang mga manggagawang Pinoy na sina Laureano Baria, Bedashorba Villaluz, pawang nadakip sa Jerusalem; Fernando Santiago, Alexander Mijares, pawang sa Tel Aviv at Alberto dela Cruz na hinuli sa Netanya. Sila’y ikinulong sa Mashahu Prison sa Ramie, Israel.

Nabatid na si Baria ay naunang itinakda ang deportasyon nitong Oktubre 31, 2002 subalit wala pang kumpirmasyon ang DFA kung nakabalik na ito sa bansa.

Samantala ang apat ay nagpiyansa para makalaya at makapanatili pa ng isang buwan sa Israel matapos ipangako ng mga ito sa korte na hahanapin nila ang kanilang Israeli employer na maggagarantiya ng kanilang pananatili at mag-isponsor ng kanilang mga visa.

Pinamili umano ang limang nabanggit kung sila ay magpipiyansa para sa one month extension of stay o ma-deport.

Kapag pinili ang repatriation, ang pamahalaang Israel ang bahala sa gastusin sa kanilang pagbabalik at mag-aayos ng kanilang dokumento.

Kung ang pinili ay magpiyansa, sila ay magbabayad ng US$6,400 para sa pananatili ng isang buwan. Sila rin ang kukuha at magbabayad ng kanilang abogado para ayusin ang kanilang visas.

Sinabi ng embahada na mas pinili ng marami ang magpiyansa. Karaniwang umuutang ang mga ito sa loan sharks pampiyansa at panggastos habang hinihintay ang pag-asa na makukuha nila ang pabor na desisyon. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments