Counter terrorist fiscals binuo ng DOJ

Nagtatag na kahapon ang Department of Justice (DOJ) ng tinatawag na counter terrorist fiscals na siyang uusig sa mga akusado sa serye ng pambobomba sa Zamboanga City.

Itinalaga ni Justice Secretary Hernando Perez si Makati City Prosecutors Office chief Senior State Prosecutor Leo Dacera upang pamunuan ang counter terrorism ng DOJ. Miyembro nito sina Zamboanga City Assistant City Prosecutors Bienvenido Orillo, Isidro Balan at Dennis Araojo.

Matatandaang si Dacera din ang pinuno ng mga DOJ fiscals na umuusig sa kaso ng mga Abu Sayyaf leaders kabilang sina Hector Janjalani at Nadzmi Abdullah alyas Kumander Global.

Itinalaga ang nasabing prosecutors upang tiyakin na mapaparusahan ng Zamboanga Regional Trial Court ang mga akusado na sina Bas Ismael, Abduljamin Asanul, Madznul Ladja, Rajak Sagomayan at Buyongan Bongkok.

Ang mga suspek ang tinuturong responsable sa pagsabog sa Malagutay restaurant noong Oktubre 2 na ikinasawi ng isang Amerikanong sundalo at isang Pilipino.

Sila rin ang sinasabing nagpasabog sa Shop-O-Rama at Shoppers Central department stores noong Oktubre 17 na ikinasawi ng pito katao. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments