Mag-ingat sa regalong bomba!

Pinag-iingat ng Simbahang Katoliko ang mga mamamayan sa pagtanggap ng mga pamaskong regalo na posibleng naglalaman ng bomba.

Ang babalang ito ay inihayag ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa gitna ng mga pagpapasabog na inihahasik ng mga terorista sa buong daigdig.

Nagpalabas na ng memorandum ang CBCP sa mga kawani nito na maging maingat sa pagtanggap ng anu mang pakete lalo na kung di kilala ang pinanggalingan.

Sinabi ni CBCP assistant secretary general Msgr. Gilbert Garcera na kung sakaling nag-aalangan sa pagtanggap ng regalo huwag itong buksan sa halip ay ipaalam ito sa nakatalagang security guard.

Binanggit rin ni Garcera na tinuruan na nila ang lahat ng CBCP personnel paano malalaman kung ang regalo ay may lamang bomba at ang impormasyong ito ay kanila nang ipinakalat sa buong Zamboanga, Basilan at Jolo.

Dapat umanong bantayan ng mga ito ang regalong mabigat at malaki, may mantsang langis ang balot, may maliliit na butas at tumutunog nq parang orasan.

Ipinagbawal din ang pagtanggap ng mga bag na may mga nakapulupot na alambre at kakaiba ang amoy.

Nakapagtala na ang Philippine National Police (PNP) ng limang pagsabog na nagresulta ng pagkasawi at pagkasugat ng ilang mga tao kasama na rito ang Amerikano simula noong Oktubre 2. (Ulat ni Mayen Jaymalin)

Show comments