Ayon kay international diabetologist at nutrition expert Dr. Abe Gibeily, ang sobrang carbohydrates ay masama sa kalusugan dahil pinapagod nito ang ating insulin na siyang responsable sa sugar sa ating dugo.
Binigyang diin ni Giebely na ang terminong diabetes ay nangangahulugan ng inefficient insulin.
Ipinaliwanag din nito na hindi na nakapagtataka kung ang mahihirap ang maging pangunahing biktima ng diabetes at hypertension dahil na rin sa kanilang poor eating habits.
Inihalimbawa nito ang isang mahirap na pamilya na may anim hanggang walong anak. Kailangan na magkasya na lamang ang mga ito sa kanin at noodles na siyang popular na kumbinasyong pagkain para sa mahihirap dahil sa kawalan ng pera.
Kung noon ay sinasabing sakit ng mayaman ang diabetes at hypertension dahil sa masasarap na pagkain, hindi na ngayon.
Sa research ng Project Walrus 2002, isang proyekto na pinopondohan ng John Hopkins University para sa poverty profile ng bansa, napuna na higit na mataas ang bilang ng kaso ng may diabetes at hypertension sa mahihirap kaysa sa tuberculosis na karaniwang sakit ng mga ito.
Tinalo ng diabetes at hypertension ang tuberculosis (TB), sexually-transmitted disease (STD), skin diseases at hika.
Bukod sa dalawang nabanggit na cardiovascular diseases, ang pangkaraniwang sakit ng mahihirap na kababaihan ay muscle aches, head aches, cough and colds, urinary tract infection, arthritis at varicose veins.
Samantala sa kalalakihan, common diseases ay muscle pains, fatigue at TB. (Ulat ni Andi Garcia)