Pagsibak sa mga Pinoy sa US airports sampal sa RP - Loren

Isa umanong sampal sa Pilipinas ang ginagawang pagsibak ng Amerika sa daan-daang Pilipino na nagtatrabaho sa US airports bilang bahagi ng pagpapalakas nito sa seguridad sa harap ng banta ng terorismo.

Sinabi ni Sen. Legarda, isang insulto sa bansa ang ginawang ito ng US government gayong kabalikat nila tayo hindi lamang noong World War II kundi sa inilunsad nilang pakikidigma sa international terrorism.

Ayon kay Legarda, ang ginawang pagsibak sa mga Pinoy screeners partikular ang may 250 Pinoy sa San Jose International Airport ay isang malaking insulto sa ating lahi.

Binigyan na lamang ng hanggang November 18 ang mga non-US citizens na mag-apply ng kanilang US citizens kung nais pa ng mga ito na magtrabaho bilang screeners.

Inihayag pa ng senadora na ang pagpapatupad ng racial discrimination ng US bilang bahagi ng kanilang programa laban sa terorismo ay isang overreaction sa mga terrorist threat.

Hiniling din ni Legarda sa mamamahala ng NAIA Terminal 3 na ikunsiderang kuning empleyado ang mga sinibak na Pinoy sa mga US airports. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments