9 sa 10 pamilyang Pinoy di kumakain ng prutas

Siyam sa bawat 10 pamilyang Pilipino ang hindi kumakain ng prutas dahil sa napakataas na presyo nito sa pamilihan at hindi pasok sa budget ng isang karaniwang pamilya.

Ito ang sinasaad sa isang survey na naglalayong alamin kung ano ang bumubuo ng basic food sa hapag kainan ng mga Pinoy. Lumilitaw na habang ang 1 porsyento ng urban family sa Metro Manila ay mayroong tatlo at higit pang klase ng prutas sa kanilang hapag kainan bilang bahagi at panghimagas ng mga ito ay 9 na porsiyento naman ang hindi makakain ng mga ito sa regular o araw-araw na basehan.

Ayon sa nangungunang oncologist sa bansa, ang regular na pagkain ng prutas araw-araw simula pagkabata ay sapat na upang makatiyak na 95% na ligtas sa anumang uri ng cancer at iba pang organ failure illnesses.

Bagaman at ayaw magpabanggit ng pangalan ng may 80-anyos na Filipino cancer expert at leading advocate ng ‘prutas para sa mahirap’ isang kampanya na naglalayong magkaroon ng bungang kahoy bilang bahagi ng regular meal ay nilinaw nito na dapat ay mga homegrown fruits ang siyang kakainin ng mga Pinoy at hindi mga imported fruits na bumabaha sa merkado dahil sa panganib na dulot ng mga pesticide at insecticide na ginamit dito sa pinanggalingang bansa.

Lumilitaw na dahil sa import liberalization act ay maluwag na nakakapasok ang tinaguriang 3 fruit giants na kinabibilangan ng orange, ubas at mansanas na noong mga nakalipas na panahon ay ubod ng mahal, ngunit ngayon may kababaan man ang presyo ay hindi naman ligtas kung ito nga ay pinahinog sa natural na pamamaraan o ginamitan ng matatapang na kemikal na may harmful effect sa kakain.

Dahil dito ay itinataguyod ngayon nina Domingo E. Angeles ng Philippine Fruit Association (PFA) at sa tulong ni Senator Manuel Villar na siyang Chair ng Senate Committee on Agriculture ang National Fruit Symposium na naglalayong ibalik ang prutas sa bawat hapag kainan ng mga Pilipino.

Babalangkasin sa symposium na gaganapin sa Oct. 22-24 sa Nueva Viscaya, State Institute of Technology , Bayombong, Nueva Viscaya ang laman ng Senate Bill na magiging gabay sa pagpapatubo ng mga bungang-kahoy at sa natural nitong paraan.

Titiyakin na ang pamumunga ng bungang kahoy ay magaganap matapos na ito ay mamulaklak at hindi sapilitan ang magiging pamamaraan ng pagkahinog nito upang manatili ang likas nitong sustansya at bitamina.

Nilinaw ng pamunuan ng PFA na bukas sa lahat ang gaganaping symposium na may kaukulang reg. fee na P1,500. Kabilang sa reg. fee ang pagkain at symposium kit para sa lahat ng dadalo. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments