Naarestong Jordanian kundi kakasuhan ide-deport na lang

Hanggang ngayon na lamang ang taning na ibinigay ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para kuwestiyunin at kasuhan ng kriminal ang naarestong Jordanian national na umano’y "utak" sa Zamboanga bombing dahil kung hindi ay nakatakda na itong ipadeport ng nasabing ahensiya.

Ayon kay Immigration Commissioner Andrea Domingo, hindi na maaaring ipagpatuloy ng BID na isailalim si Mohammad Amin al Ghafari sa "indefinite detention" dahil nakapagsumite na ito ng boluntaryong deportasyon o intensiyon na nais na nitong umalis ng bansa at bumalik sa Amman, Jordan.

Sinabi ni Domingo na kung interesado ang AFP at PNP na kuwestiyunin o kasuhan si al Ghafari hinggil sa umano’y pagkakasangkot nito sa terorismo ay dapat nang makipag-ugnayan ang mga ito sa BID dahil sa darating na Martes o Miyerkules ay sasailalim na sa deliberasyon ng BI board of commissioners si al Ghafari hinggil sa aplikasyon nito sa volunteer deportation at wala na anyang legal na basehan upang hindi ito makaalis kung hindi ito makakasuhan sa korte. Iginiit ni Domingo na hindi inaresto si al Ghafari dahil sa pagiging suspek nito sa Zamboanga bombing kundi dahil sa kanyang expired na visa. (Ulat ni Jhay Quejada)

Show comments