Galit na sa NPA attacks, sibilyan mag-aaklas na

Dahil sa sunud-sunod na pag-atake ng New People’s Army (NPA), nagsimula na umanong magsipag-aklas ang grupo ng libong mga sibilyang galit sa komunistang grupo upang sumabak at labanan ang mga rebelde sa bansa.

Dahil sa mga opensibang inihahasik ng makakaliwang hanay partikular na sa lalawigan ng Quezon, ilang sektor na ang nagparating sa administrasyon ni Pangulong Arroyo at maging sa mga matataas na lokal na opisyal sa kanilang lugar na buhayin ang grupong Alsa Masa upang harapin ang pagkilos ng mga rebeldeng komunista.

Bilang reaksiyon, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Eduardo Purificacion na masusi nila itong susuriin dahil hindi maaaring basta na lamang sumabak para lumaban sa mga rebeldeng komunista ang mga armadong grupo na hindi awtorisado ng gobyerno.

Aminado si Purificacion na talagang marami na sa mga sibilyan sa bansa ang kumokondena sa karahasan ng NPA bukod pa sa pagkakasangkot sa extortion activities.

Sinabi pa ni Purificacion na humihina na umano ang mga rebeldeng komunista habang numinipis na rin ang baseng masa nito kaya naglulunsad ng lamang ng mga opensiba upang palabasing malakas pa rin ang kanilang hanay.

Kung matatandaan, ang Alsa Masa ay isang grupo ng mga armadong sibilyan na itinatag noong panahon ni dating Pangulong Marcos na ang pangunahing tungkulin ay tapatan ang pagkilos ng mga NPA sa kanayunan na kadalasan ay kasama ng mga sundalo sa kanilang operasyon.

Itinuturing naman ito ng makakaliwang grupo na bahagi umano ng maruming taktika ng US Central Intelligence Agency (CIA) na lumikha ng "low intensity conflict" upang supilin ang hanay na kumakalaban sa kanilang personal na interes. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments