RP envoy sa China pinalawig sa puwesto

BEIJING - Pinalawig ni Pangulong Arroyo ng anim na buwan ang panunungkulan sa puwesto ni RP Ambassador to China Josue Villa bilang pagkilala sa ipinakita niyang gawain sa pagpapabuti ng relasyon ng bansa at China.

Si Villa ay nakatakda na sanang magretiro pagsapit niya sa ika-65 taon nitong nakaraang Setyembre 20.

Sa isang simpleng salo-salo na ipinagkaloob ng mga kagawad ng embahada at komunidad ng mga Pilipino sa Beijing sa kaarawan ng embahador, inihayag ni Villa na ikinalugod niya ng labis ang kaloob na extension sa panunungkulan na ibinigay sa kanya ng Pangulo.

Ipinagpapasalamat din niya ang pangyayaring naitalaga siya bilang embahador ng bansa sa Beijing sa isang panahong binuksan nito ang pinto ng bansa sa mga dayuhang nasyon pagkaraan ng tinaguriang "isolation" noong 1949 hanggang 1976.

Iminungkahi ni Villa na pagbutihin pa ng Pilipinas ang pakikipagkalakalan nito sa China at ibilang ang wikang Mandarin sa araling panlipunan natin para mapagbuti pa ang pagkakaunawaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments