Mistulang eksena sa pelikulang "The Exorcist" ang nasaksihan ng mismong mga magulang ng dalagitang si Erolyn Morta, first year high school sa Jagupit Nationalized High School, habang nakalutang sa ere at sumisigaw ng Latin ang biktima at nagbo-boses lalaki.
Sa pahayag ni Mrs. Bohlyn Pabica Capilitan, first year high school teacher ng Jagupit Nationalized High School sa Barangay Jagupit, Santiago, Agusan del Norte, nagaganap ang anilay kahindik-hindik na misteryo noong nakaraang Biyernes, Setyembre 13 habang ginaganap ang intramurals ng nasabing school.
Ayon kay Capilitan, una umanong sinapian ng masamang espiritu si Christine Marie Panchito, 15, third year high school na nooy kasalukuyang nagsasaya sa ginaganap na intramurals activity sa naturang paaralan ng bigla na lamang bumagsak sa semento at nagsimulang mag-usal ng mga salitang Latin.
Agad itong isinugod sa isang albularyo at nabatid dito na posibleng sumanib kay Panchito ang mga namamahay na evil spirits sa puno ng Narra malapit sa school.
Wika ng albularyo, nabulabog umano ang mga evil spirits na ito dahil sa sigawan at hiyawan ng mga mag-aaral dulot ng ginaganap na sports activities.
Isang oras pagkaraan, sumunod na sinaniban si Morta.
Ayon kay Capilitan, pagkaraang maiuwi si Morta sa kanilang bahay ay nakita itong lumulutang sa ere. "Gaya ng ibang biktima, nakakita din si Morta ng mga taong itim na para daw gusto silang kunin."
Kinailangan pang saluhin si Morta ng kanyang mga kaanak ng biglang mahulog mula sa may dalawang metrong taas na pagkakalutang.
Hindi nagtapos kay Morta ang insidente at limang iba pang estudyante na karamihan ay babae ang umanoy na-possess din ng masamang espiritu matapos dumaan sa misteryosong Narra tree.
Sinundan ito ng anim pang mag-aaral kaya umabot na sa 13 estudyante ang sinapian.
Noong nakaraang Huwebes, September 19, dalawa sa mga babaeng biktima ng evil spirits possession ang dinala ng kanilang mga magulang sa Immaculate Concepcion Parish sa Santiago, Agusan del Norte.
Ayon kay parish priest Fr. Dennis Mira, kakaiba ang nangyari sa dalawang biktima dahil mula ng dalhin ang mga ito sa kanya hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang kanilang pag-usal ng mga salitang Latin na hindi pa niya naririnig mula nang siyay maging pari. Ang dalawa ay nasa pangangalaga ni Fr. Mira.
Gayunman, naniniwala ang pari na sa pamamagitan ng dasal ay mapapalayas ang evil spirits sa katawan ng mga biktima.(Ulat ni Ben Serrano)