Nakita sa video ng Mission X na kasama ni Jinggoy ang dating vice mayor nito na si Philip Cesar na naninigarilyo sa may helipad ng VMMC.
Kaugnay nito, itinuturo ng Sandiganbayan Special Division sa PNP ang pag-iimbestiga sa napaulat na paglalakwatsa ng dating alkalde sa labas ng kanyang silid.
Ayon kay Atty. Renato Bocar, tagapagsalita ng special division, dapat na si PNP chief Gen. Hermogenes Ebdane ang magpaimbestiga sa napaulat na insidente dahil sila ang may kustodiya sa mag-amang Estrada.
Nararapat umanong si Ebdane ang magpasimula nito upang alamin kung tutoo na nagiging maluwag ang pagbabantay sa dalawang akusado.
Una nang isinumbong ni Assistant Ombudsman Dennis Villaignacio sa korte ang umanoy pagkakita ng ilang tao sa mag-ama na namamasyal sa golf course ng VMMC.
Ayon kay Villaignacio, minsan nang hiningi ni Atty. Rene Saguisag sa korte ang karapatang magpa-araw ang mag-ama subalit tinanggihan ito ng mga mahistrado dahil maaari umanong maging mitsa ito ng kanilang buhay.
Iginiit naman ni Atty. Raymund Fortun, tagapagsalita ni Estrada na tanging si Erap lamang ang hindi pinapayagang lumabas ng silid dahil sa pinagkakaguluhan umano siya ng mga tao samantalang hinahayaan si Jinggoy na makapag-jogging at makapag-ehersisyo dahil na rin umano sa lumalala nitong sakit sa puso. (Ulat ni Malou Escudero)