Ang sagupaan ay naganap matapos makalaya ang bagong biktima ng grupo na nakilalang si Carl Anthony Penano, isang factory worker na dinukot noong Setyembre 16, 2002 sa Carmona, Cavite.
Kinilala ang mga suspek na sina Rodolfo Patinio alyas Bullet, 34; Eugene Radam, 34, ex-Marine at umanoy lider ng grupo at kapwa residente ng Biñan, Laguna at Diosdado Santos, 39, ng Marikina City. Si Patinio ay sinasabing kasama ng tumakas at napaslang na Pentagon leader na si Faisal Marohombsar sa Camp Crame, samantala si Santos ang umanoy pangunahing suspek sa pagpatay kay YOU spokesman Baron Cervantes.
Sa paunang report na nakalap, dinukot noong Setyembre 16 si Penano at kahapon ay pinakawalan ito matapos magbayad ng halagang P2 milyong ransom.
Lingid sa mga suspek, nakipagtulungan na ang pamilya ng biktima sa PIIB Cavite na siyang nakipag-coordinate sa PACER kaya matapos makuha ang ransom, nasundan ng mga pulis ang taong kumuha ng pera na sakay ng isang motorsiklo.
Natunton ng mga awtoridad ang safehouse ng grupo ni Patinio sa Tierra Grande Nevada sa Brgy. Manggahan, bayang ito.
Nabatid na nirentahan ng grupo ni Patinio ang isang bahay na pag-aari nang isang Ofelia Reyes para gawing kuta ng kanilang mga magiging biktima at kahapon lamang kinuha ang susi ng bahay.
Dakong alas-4 ng madaling araw ng salakayin ng mga operatiba ang bahay pero agad nakatunog ang mga suspek at nakipagbarilan ang mga ito.
Napilitan umanong gumanti ng putok ang mga awtoridad at matapos ang may ilang minutong pagpapalitan ng putok, patay na bumulagta ang mga kidnapper.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang halagang P2 milyon na pinaniniwalaang ibinayad ng biktima, tatlong baril, armalite rifle at tatlong granada.
Kasabay nito, personal na nagtungo sa nasabing lugar si Pangulong Arroyo upang papurihan ang matagumpay na operasyon ng pulisya.(Ulat nina Mading Sarmiento.Cristina Go-Timbang at Ed Amoroso)