Sa panukalang batas na inihain kahapon ni Iloilo Rep. Augusto Syjuco, sinabi nito na hindi imposibleng maganap sa Pilipinas ang nangyari sa Amerika noong September 11 ng nakaraang taon.
Kung bibigyan umano ng armas ang mga commercial pilots ay maaaring makapanlaban ang mga ito sa mga hijackers.
Nakasaad sa panukala ni Syjuco na ang mga armas na ibibigay sa mga piloto ay ituturing na emergency gadgets ng eroplano.
Subalit bawat pilotong bibigyan ng armas ay dapat sumailalim muna sa employment investigation kabilang na ang criminal history sa record check.
Ang Department of Transportation and Communication at Phil. Air Force Aviation Security Command ang aatasan na magpatupad ng panukala at magsasanay sa mga kuwalipikadong piloto na maging enforcement officers.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, aamyendahan ang Anti-Hijacking Law upang mabigyan ng armas ang mga piloto sa oras ng kanilang trabaho. (Ulat ni Malou Escudero)