Ayon kina Senators Tessie Aquino-Oreta, Ralph Recto at Manuel Villar, hindi dapat magmula sa mga cellphone users ang pagkukunang pananalapi para pagtakpan ang lumolobong budget deficit ng bansa na umaabot na sa P110.72 bilyon.
Sinabi ni Oreta, dapat isipin ni Finance Secretary Jose Isidro Camacho ay maging epektibo ang tax collectiong agencies na nasa ilalim ng kanyang pamamahala upang mapunan ang malaking kakulangan sa pananalapi ng bansa.
Siniguro naman ni Recto sa mga cellphone users na hindi lulusot sa Kongreso ang panukalang magkaroon ng panibagong tax para maging dagdag na pasanin ng pangkaraniwang mamamayan. Ang talo anya dito ay hindi ang mga mobile phone companies kundi ang nasa 10 milyong users ng cellphone.
Wika naman ni Villar, sa halip na pag-initan ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga pre-paid cell cards ay dapat palakasin ng gobyerno ang koleksiyon ng buwis at makamit ang kanilang target collections sa taong ito.
Nauna rito, inihayag ng Malacañang na walang basbas ang Palasyo sa planong pagpapataw ng 10% buwis sa text messaging.
Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, ang naturang panukala ay hindi man lang tinatalakay sa pulong ng gabinete.
Sinabi ni Bunye na maaaring pinalulutang lang ang balitang ito para makakuha ng reaksiyon sa publiko. (Ulat nina Rudy Andal/Lilia Tolentino)