Pinoy nag-amok sa Malaysia, dinedo

KUALA LUMPUR, Malaysia - Isang Pilipinong hinihinalang nasiraan ng bait ang nanghalibas ng itak sa isang mass deportation center sa Kota Kinabalu, Malaysia kung kaya’t binaril at napatay ng isang Malaysian police.

Hindi agad nakuha ang pangalan ng nag-amok na Pilipino pero sinasabing may hawak itong dalawang travel documents na may dalawa ring pangalan.

Ayon sa Agence France Presse, dalawang oras nagwala ang Pilipino hawak ang isang "machete" at nakasugat sa dalawang bata at tatlong iba pa kasama ang pulis na bumaril sa kanya.

Walang nasawi sa mga biktima na agad nadala sa pagamutan matapos ang insidente.

Hindi rin inulat ang personalidad at pangalan ng mga biktima.

Sinabi naman ni Foreign Affairs spokesman Victoriano Lecaros na wala pa silang natatanggap na report mula kay Ambassador to Kuala Lumpur Jose Brillantes na kumukumpirma sa nasabing ulat.

Samantala, tila isang "himala" ang biglaang pagbibigay ng magandang trato sa mga Pinoy deportees ng magtungo ang grupo ni Presidential Adviser for Muslim Communities Nur Jaafar na nag-imbestiga ng pagmamaltrato.

Nagtataka si Foreign Affairs Sec. Blas Ople na dahil sa pagbisita ng grupo ni Jaafar ay biglang bumait ang mga Malaysian police, pinakakain ng sapat ang mga deportee at ang sasakyan na dati ay parang sardinas ay biglang nagka-aircon.

Sinabi ni Ople na ang matatalim na salita na ginamit sa diplomatic protest laban sa Malaysia ang siyang nagbunsod din upang bumuti ang kondisyon ng mga Pilipino sa Sabah. (Ulat nina Ellen Fernando at Ely Saludar)

Show comments