Ang mga biktima na pinagbantaang itutumba kapag nagsumbong sa mga awtoridad ay kinilalang sina Marcecilia Caballero, 49, may asawa; Nestor Acsay, 33, may asawa at kasamang si Jomer Ebon, 26, may asawa at pawang residente ng Block 24 Lot Sorrento Subdivision, Panapaan, Bacoor, Cavite.
Samantala, ang mga suspek na pinaniwalaang nakatalaga ngayon sa Southern Police District (SPD) Drug Enforcement Group na pinamumunuan ng isang nagngangalang "Col. Ramirez" ay kasalukuyan nang inaalam ang mga pangalan.
Base sa police blotter na nakalap ng PSN, naitala ang pangyayari bandang alas-12:15 ng madaling-araw noong Agosto 23, 2002 sa harap ng Ken Ken videoke bar malapit sa Jollibee naturang lugar.
Napag-alaman sa source na inabangan ang mga biktima dahil sa impormasyon na nagdadala ng malaking pera ang mga ito dahil na rin sa negosyong money lending kung saan magkasosyo sina Caballero at Acsay.
Biglang hinarang ang sinasakyang Pajero (UCT-128) ng mga biktima ng mga armadong suspek na lulan sa tatlong magkakahiwalay na sasakyan na kinabibilangan ng puting Honda Civic (UPG-929), berdeng Lancer (NBU-996) at isang puting kotse na walang plaka.
Habang nasa daan ay hinihingian ng pera ang mga negosyante subalit sinabi ng mga ito na wala silang dala kaya idineretso ng mga kidnapper ang mga biktima sa bahay ni Caballero at doon isinagawa ang negosasyon sa ransom.
Kalahating milyon umano ang unang hiningi ng mga kidnapper subalit walang mapiga sa mga biktima na ganoong halaga hanggang sa magkasundo sa presyong P100,000.
Bukod sa naturang pera ay kinuha pa ng mga suspek ang mamahaling mga alahas at gamit sa bahay bago tuluyang nagsitakas.
Sa kasalukuyan ay magsasampa ng reklamo ang mga biktima sa tanggapan ni P/Chief Supt. Reynaldo Velasco, director ng NCRPO para kilalanin ang mga pulis na kidnapper. (Ulat ni Mario Basco)