Naganap ito matapos matuloy ang pulong ng Pangulo at ni Roco sa Palasyo bandang ala-una ng hapon kahapon.
Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, nagpahayag ng kalungkutan ang Pangulo sa pagbibitiw ni Roco dahil nawalan ang pamahalaan ng isang mahusay na lingkod ng bayan.
Sinabi ni Bunye na ang pagbibitiw ni Roco ay isa lang pagwawakas ng isang kabanata sa paglilingkod ni Roco sa bayan subalit inaasahan niyang makakasama niya uli ito sa iba namang uri ng pagseserbisyo sa bayan sa hinaharap.
Tumanggi si Bunye kung inalok uli ng Pangulo si Roco na manatili na sa puwesto at kung anong posisyon ang inialok ng Pangulo sa nagbitiw na Education secretary.
Sinabi ni Bunye na wala pang desisyon ang Pangulo kung sino ang ipapalit niya kay Roco at wala pa raw shortlist ng mga kandidatong pinagpipilian para sa DECS.
Kabilang sa mga lumulutang na posibleng ipalit kay Roco ay sina Senadora Tessie Aquino-Oreta, DTI Secretary Mar Roxas, Presidential assistant secretary Mona Valisno, Philippine Normal University president Dr. Nilo Rosas at dating University of Sto. Tomas rector Father Rolando de la Rosa. Kasabay nito, itinanggi ng Malacañang ang ulat na inaalok nito si Oreta bilang kapalit ni Roco. Espekulasyon pa lamang umano ang nasabing panunuyo kay Oreta. (Ulat ni Lilia Tolentino)