"Kung bibilangan nila ako ng mga posters, dapat bilangan din nila si Pangulong Arroyo dahil mas marami siya, pati mga senador. President Arroyo and several other Cabinet members could be as liable and should be investigated if making advertisement using government money is in violation of the law," pahayag ni Roco.
Nilinaw ni Roco na isa umanong malaking kasinungalingan ang paratang laban sa kanya na gagamitn niya sa kanyang presidential bid sa 2004 elections ang nasabing mga poster.
Kasabay nito, matigas na pinanindigan ni Roco na kahit anupang panghihikayat o pangungumbinsi sa kanya ng Malacañang at iba pang mga miyembro ng Gabinete ay wala na siyang planong magbalik pa sa posisyong iniwan.
Nakatakdang magharap ngayon sa Malacañang sina Pangulong Arroyo at Roco sa isang manu-manong pagpupulong para lutasin ang problemang nagbunsod sa pagbibitiw ng huli.
Aminado si Roco na hindi ang mga akusasyon ng DepEd employees union ang dahilan ng kanyang pagbibitiw kundi lubha umano siyang nasaktan sa ginawang pambabastos sa kanya ng Palasyo ng hayagan pang iutos ng Pangulo sa Anti-Graft Commission na imbestigahan siya sa umanoy pagwawaldas ng pondo ng kagawaran.
Sinabi ni Roco na ang mga poster na ipinagawa niya ay mayroong basbas mismo ng Pangulo na siya pa umanong nag-utos sa kanya para magpagawa nito at ipamudmod sa mga paaralan dahil marami pa umano ang di nakakaalam na siya na ang bagong kalihim ng DepEd.
Samantala, tiniyak naman ni acting DepEd Secretary Ramon Bacao na normal ang operasyon sa departamento at wala umanong mabibinbing proyekto o anumang serbisyo na kailangang tapusin ng kagawaran. (Ulat nina Joy Cantos/Lilia Tolentino)