Naghain ng urgent motion si Atty. Noel Malaya para payagan si Estrada na mailipat sa MMC batay na rin sa rekomendasyon ng family doctor nilang si Dr. Lorenzo Jocson.
Naging dahilan ng doktor ang kakulangan ng sapat na kagamitan sa Veterans Memorial Medical Center kung saan nakadetine si Jinggoy.
Simula aniya noong nakaraang Biyernes, Hulyo 26 at Hulyo 30 ay muli na namang nagdugo ang puwit ni Jinggoy kaya ipinatawag nito si Jocson.
Inihayag naman ni Justice Minita Chico-Nazario, chairman ng dibisyon na wala umanong dapat na ikatakot ang dating alkalde dahil hindi naman nakamamatay ang kanyang sakit.
Ayon kay Nazario, isa sa kanyang kapatid ang nagdurugo ang puwit dahil sa almoranas.
Gayunman, sinabi nito na kung talagang kailangang gamitan ng colonscopic si Jinggoy ay maari namang hiramin na lamang nila sa MMC ang naturang kagamitan upang hindi na lumabas pa ng ospital si Jinggoy.
Sinabi naman ni Associate Justice Edilberto Sandoval, na nakapagtataka na walang kakayahan ang VMMC na gamutin ang suliranin ni Jinggoy gayong nagmumula pa sa Amerika ang suplay nito.
"Everytime na lang na may sakit si Jinggoy ilalabas, what kind of hospital is VMMC? I understand that this is supplied by the US, bakit parang walang kakuwenta-kuwentang ospital?" ani Sandoval. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)