Sinabi ni Sen. Revilla, makakamit lamang ang "strong republic" sa inihayag ni Pangulong Arroyo kung sisimulan na nating isalang sa bitayan ang mga convicted drug lords, dayuhan man o Pinoy.
Ayon kay Revilla, mula ng maibalik ang parusang bitay sa pamamagitan ng lethal injection ay wala pa tayong naisasalang na convicted drug lord mula noong 1994 kaya dapat ay simulan na nating isalang ang mga drug traffickers na ito sa bitayan linggo-linggo.
Aniya, tulad ng ginawang execution sa drug lord na si Lim Seng noong panahon ng Martial Law, iniwasan ng mga dayuhang drug traffickers ang ating bansa dahil nakita nilang seryoso ang gobyerno na bitayin ang mga nahuhuli at napapatunayang drug lord.
Wika pa ni Revilla, may anim na bigtime drug traffickers ang nag-ooperate sa bansa at itoy ang Sun Yee On Triad, Wo Group na Hong Kong-based, 14 K Triad, Big Circle Gang na nakabase sa mainland at ang Ghost Shadows Triad na nakabase sa US. (Ulat ni Rudy Andal)