Ito ang buod ng sariling State of the Nation Address (SONA) ni dating pangulong Estrada na inihayag niya kahapon sa Peoples SONA sa Club Filipino na dinagsa ng ilang kilalang mga personalidad kabilang sina Senators Edgardo Angara, Gregorio Honasan, dating senator Juan Ponce Enrile at House minority leader Carlos Padilla at iba pang kaalyado nito sa oposisyon, mga lider at miyembro ng ibat ibang militanteng grupo at organisasyon.
Ayon kay Estrada, ang kanyang SONA ang tunay na pahayag ukol sa kalagayan ng bansa sa kasalukuyan taliwas sa pantasyang pilit na nililikha ng rehimeng Arroyo.
"Ang tunay na SONA ay makikita natin ngayon sa takot ng mga magulang para sa seguridad ng kanilang mga anak, sa pagkakadiskaril g trabaho ng mahigit 367 manggagawa araw-araw at sa patuloy na pag-issue ng mga embahada ng mga dayuhang bansa laban sa pagbisita sa ating bansa," pahayag nito.
Sinabi ni Estrada na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Arroyo ay higit umanong naghirap ang mamamayan partikular na ang mga maralita dahil sa pag-atras ng mga dayuhang mamumuhunan at pagbagsak ng Gross Domestic Product ng 1.1%. (Ulat ni Joy Cantos)