Sinabi kahapon ni House Speaker Jose de Venecia na mahalaga ang 10-year reforestation program ng gobyerno dahil layunin nitong taniman ng punongkahoy ang mga kalbong bundok sa Luzon at Visayas.
Ito lamang aniya ang paraan upang mapigilan ang malawakang baha at pagkamatay ng maraming buhay tuwing dumarating ang tag-ulan.
Aabot sa 400,000 ektarya ng lupain sa mga kabundukan ang tataniman ng puno sa loob ng 10 taong programa.
Kabilang dito ang Ilocos Norte at Pangasinan, Zambales at Bataan, Cagayan Valley, Bicol Peninsula, Leyte, Samar at Cebu at ilang bahagi ng Panay island at Mindanao.
Si de Venecia ang humiling sa gobyerno ng Finland para sa nasabing $75 million loan na babayaran sa loob nang 15 taon.
Gagamit umano ng mga modernong makinarya para sa pagtatanim nang nasa 2,500 seedlings sa bawat ektarya ng mga kalbong bundok. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)