Pagdalo sa misa ng COPA ni GMA ok sa Palasyo

Walang nakikitang masama ang Palasyo kung ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay dumalo ngayon sa isang misa sa EDSA Shrine na nakatakdang daluhan din ni Vice President Teofisto Guingona.

Ayon kay Acting Press Secretary Silvestre Afable,walang implikasyong pulitikal kung dadalo ang Pangulo sa misa at dapat pa ngang ikalugod ang prosesong ito.

Subalit sinabi ni Afable na wala siyang impormasyon kung dadalo ang Pangulo o hindi sa misa sa paanyayang ginawa ni Bishop Socrates Villegas sa pakiusap ng Council for Philippine Affairs (COPA).

Ang misa ngayon ayon kay COPA secretary general Pastor "Boy" Saycon ay naglalayong makapagdaos ng pagninilay sa layon ng EDSA I at EDSA II para matiyak na ang lahat na kalahok doon ay nananatili pang tumatahak sa mithiin ng dalawang mapayapang rebolusyon.

Bukod kina Pangulong Arroyo at Guingona imbitado ring dumalo sa misa si dating Pangulong Cory Aquino. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments