Pagbasura sa 2004 presidential polls magpapalumpo sa bansa

Tinutulan ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang mungkahi ng Kamara na walang maganap na halalang pampanguluhan sa darating na 2004 dahil magpapalumpo lamang ito sa istabilidad ng bansa at ayaw ng Filipino ng lider na hindi nila inihalal.

Sinabi ni Sen. Ralph Recto na isang delikadong plano ang mungkahing ito na ipagpaliban ang 2004 presidential elections dahil mawawalan ng pagkakataon si Pangulong Arroyo na makakuha ng mandate mula sa mamamayan bilang halal na pangulo ng bansa.

Wika ni Sen. Recto, mawawalan din ng pagkakataon si Pangulong Arroyo na patunayan sa mamamayan na kaya niyang talunin ang sinumang ipantatapat sa kanya ng oposisyon sa pamamagitan ng landslide victory.

Sa ganitong pangyayari, baka umulan ng mga protesta laban kay GMA dahil sa hindi naman siya inihalal ng mamamayan para maging pinuno ng bansa.

Ani Recto, dapat alalahanin ng mga mambabatas na kaya lamang naupo si Pangulong Arroyo sa Malacañang ay dahil na rin sa pagkakaroon ng vacancy at ang pagpapalawig sa kanyang termino pagkatapos ng June 30, 2004 ay dapat mayroong permiso ng masa. (Ulat nina Rudy Andal/Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments