Sa nakakagulat na report ng Singapore Strait Times kahapon, nakasaad na nakita umano si Sabaya sa isang pulo sa Maluso na kilalang hawak ng bandidong grupo.
Posible umanong nakasuot ng bullet proof vest si Sabaya at iniwan na lamang ang kanyang backpack saka tumalon sa dagat matapos mabaril ng mga tauhan ng Navy.
Bilang isang Tausug, magaling umanong lumangoy at sumisid si Sabaya at maaaring natakasan nga nito ang militar.
Kasabay nito, hinamon ng isang top military official na nanguna sa search and recovery para sa bangkay ni Sabaya na ilantad ng Abu Sayyaf ang kanilang spokesman kung buhay nga ito.
Ito naman ang pahayag ni Naval Forces South chief Commodore Ernesto de Leon, head ng Task Force King Fisher sa gitna ng mga report na si Sabaya ay naispatan sa Basilan.
Ayon naman kay acting Press Secretary Silvestre Afable, ang report ng Singapore Strait Times ay isa lamang ispekulasyon at sinusuportahan ng Malacañang ang mga ebidensiyang iniharap ng militar.
"They would not fabricate stories. As I mentioned, this is not a chance encounter. This is a result of hard intelligence work. We have all the reason not only to believe but to declare that Sabaya is dead. Another indicator is President Bush expressed his governments appreciation and thanks to the Philippine government. In other words the US government found all these declarations credible," ani Afable.
Nanawagan ito sa publiko na iwasan na ang ganitong mga espekulasyon dahil kung buhay pa si Sabaya gaya ng report ng Strait Times, dapat sana ay tumawag na ito sa istasyon ng radyo at nagsagawa na ng pahayag.
Kung hindi matatagpuan ang labi ni Sabaya hindi na anya babaguhin ng pamahalaan ang deklarasyon nitong patay na nga si Sabaya sa kabila na hindi pa rin narerekober ang katawan ng nabaril na lider.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang trabaho ng mga tauhan ng Phil. Navy sa karagatan ng Zamboanga del Norte para mahanap ang labi ng ASG spokesman. (Ulat nina Danilo Garcia at Lilia Tolentino)