Ayon kay Rafael Andrada, treasurer ng Meralco, totoo na pag-aari ng pamilya Lopez ang nasabing public utility subalit 16 percent lamang ang share nito habang ang pinakamalaking stockholder dito ay ang mismong pamahalaan na nagmamay-ari ng 20-24 percent share.
Sinabi ni Andrada, ang Meralco ay isang publicity listed na kumpanya kung saan ay mayroon itong 85,000 stockholders na binubuo ng 75 percent na Filipino at 25% dayuhan.
Sa kasalukuyan, ang gobyerno anya ang itinuturing na pinakamamalaking stockholder dito mula sa combined stocks ng Asset Privatization Trust, Land Bank of the Philippines, GSIS, Home Development Mutual Fund at iba pang maliliit na ahensiya ng gobyerno kumpara sa Lopezes na nagmamay-ari lamang ng 16 percent share.
"Bukod sa direktang partisipasyon ng gobyerno sa corporate affairs ng Meralco, naririyan pa ang Kongreso na nagbibigay o nagkakansela ng aming prangkisa para mag-operate tulad ng mungkahi sa Kamara nina Reps. Rolex Suplico at Jerome Paras na bawiin ng gobyerno ang Meralco dahil sa principle na imminent domain.
Nariyan rin ang Energy Regulatory Commission (ERC) na may direktang superbisyon at kontrol sa Meralco dahil sila ang nag-aapruba naman ng mga petisyon para sa adjustment ng electricity rates, wika naman ni Elpi Cuna, Meralco spokesman.
Kahit nalugi ang Meralco ng P72.8 bilyon sa 1st quarter ng taong ito kumpara sa naging kita naman nitong P394.4 milyon noong parehong period sa nakalipas na taon, hindi naging hadlang ito para mapaganda ang paghahatid ng serbisyo.
Sinabi pa ni Cuna, gumugugol ng P1.09 bilyon ang Meralco para sa upgrading ng kanilang system sa unang 3 buwan ng taong ito. (Ulat ni Rudy Andal)