Umugong ang paglulunsad ng tambalang ito kasunod ng napabalitang nag-miting ang dalawa sa isang hotel upang umanoy dito pag-usapan kung paano magtutulungan ang kani-kanilang puwersa upang mailuklok sa Malacañang ang karapat-dapat na pangulo ng Pilipinas sa 2004.
Bagamat ang mga tauhan nina FPJ at Gringo na kasama nila sa naturang miting ay nagdedeklarang isang "social dinner" lang ang nangyari, hindi maiwasan ang mga ispekulasyon na ang main agenda ng naturang "sosyalan" ay ang halalan sa 2004.
Tumanggi naman ang aide ni Honasan na si Peachy Urquiola na sabihin kung sinu-sino ang mga dumalo sa naturang "social dinner" at kung ano ang napag-usapan nila doon.
"Ang yumaong kapatid ni Sen. Honasan na si Don ay matalik na kaibigan ni Freddie Poe, kapatid ni Mr. Fernando Poe, Jr. kaya nagkaroon ng maliit na pagtitipon sina Sen. Honasan, Mr. Poe at ang kanilang mga pamilya noong Huwebes ng gabi sa EDSA Plaza Hotel," ani Urquiola.