Ang pag-apela ng mga Basileño kay Pangulong Arroyo ay dahil sa pagdating sa bansa at pakikipag-usap ni US Deputy Defense Secretary Paul Wolfowitz sa kanya.
Sa kasalukuyan ay humigit kumulang na 1,000 sundalong Kano ang nakatakdang lumisan sa bansa sa darating na Hulyo at tinatapos lang ng mga ito ang kanilang misyon na sanayin ang mga sundalong Pinoy sa pakikipaglaban sa mga terorista.
Halos may 160 elite Special Forces at humigit kumulang na 300 military engineers ang nakahimpil sa Basilan na kilalang kuta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na siyang may hawak sa mag-asawang bihag na sina Martin at Gracia Burnham at nurse na si Ediborah Yap.
Sa isang sulat na may lagda nina Lamitan parish priest Cirillo Nacorda at dalawang lokal opisyal, na nagagalak ang mga residente sa pagdating at pagtigil ng mga sundalong Kano sa kanilang lugar na umano ay nakatulong sa pag-unlad at pagkakaroon ng katahimikan.
"Umaasa kami na ang pagkakaroon dito ng kapayapaan at pag-unlad ay magpatuloy, subalit nababalisa na kami dahil ang mga Amerikano na nagbigay sa amin ng moral at civic support ay aalis na matapos ang pananatili nila sa aming lugar ng anim na buwan" wika ng mga ito sa kanilang sulat.
Sa kasalukuyan ay isang taon ng bihag ng mga ASG ang mag-asawang Burnham at Yap matapos ang mga ito ay dukutin sa Dos Palmas Resort noong Mayo 27, 2001.
Noong nakalipas na linggo ay nagpalabas ang US Embassy ng $ 5 milyong dolyar para sa ikadarakip ng limang lider ng ASG.
Subalit ayon sa mga residente dito na ang gantimpala na inihayag ng US Embassy ay hindi umanong direktang makakatulong sa paglaya ng mag-asawang Burnham,dahil sa paglisan ng Kano ay muling manganganib ang mga mamamayan sa gagawing pagdukot ng mga ASG.