Ito ang sinabi ni dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson, kaugnay sa hindi pa ring mapahintong ilegal na sugal sa napakaraming bahagi ng bansa.
Sinabi ni Singson, kanya-kanyang diskarte na lamang ngayon ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa pagpapatakbo ng jueteng at hindi katulad noong panahon ni dating Pangulong Erap Estrada ay pinoprotektahan ito ng pinakamataas na opisyal ng Malacañang.
Mas lumakas umano ang jueteng nong panahon ni Estrada dahil bise-presidente pa lamang ito ay binibigyan na niya ng proteksiyon ang nasabing ilegal na sugal.
"Noong panahon nina Ramos, Cory, Marcos , on and off ang jueteng. Ang ayusan ay regional, provincial at municipal lang. Hindi pinakikialaman ng mga presidente yan," sabi ni Singson.
Naniniwala si Singson, na malakas ang jueteng kahit na saang probinsiya dahil na rin sa pag-asang ng mananaya na bawat taya ay mananalo.
"Ang tao kasi, hoping against hope. Kahit wala ng pera pambili ng ulam, tataya dahil nagbabaka-sakaling manalo," ani nito.
Tatlong porsyento umano ng kabuuang kita sa jueteng sa buong bansa ay napupunta noong kay Estrada at ang natitirang 97% ay sa operator na siyang naghahati-hati ng lahat ng gastos katulad ng sa panalo at protection money sa lower level.
Ang tsansa ng mga mananalo ay maliit lamang dahil bago bolahin ito ay may napili ng numerong ilalabas.
Batid ni Singson na laganap pa rin ang jueteng sa maraming lugar sa bansa partikular sa Lucena City na halos tatlong beses ang bolahan at pinanindigan naman nito na walang ng jueteng sa Ilocos Sur. (Malou Rongalerios Escudero)