Tigdas outbreak: 7 bata patay

Hindi lamang mga pananim, palaisdaan at hayupan ang nagdurusa ngayon dulot ng tindi ng init na epekto ng El Niño phenomenon, pati mga paslit ay pinangangambahang tinamaan nito kasunod ng pagsiklab ng sakit na tigdas na ikinasawi na ng pitong bata sa dalawang bayan ng Pangasinan.

Sa kabila ng sinasabing ang kasalukuyang nararanasang tagtuyot ay normal na summer season at hindi pa ang El Niño, takot ang namayani sa mga residente sa Urdaneta City at Dagupan City makaraang maitala ang magkakasunod na pagkamatay ng mga bata, kung saan 43-kataong iba pa ang kasalukuyang naka-confine sa iba’t ibang pagamutan.

Idineklara ng local health officials ang naturang mga lugar na measles outbreak dahil lumulobo pa ang bilang ng may sakit na tigdas na karamihan ay bata.

Sa report na nakuha sa city health office Unit II sa Urdaneta City ng naturang lalawigan, kinilala ni Dr. Ramon Gonzales ang lima sa pitong biktima na sina Princess Garcia,3; Mary Jane Dacasin, 1; Jessie Malig III, 8-buwang gulang, Ricardo Ramos, Jr., 1, na pawang nagmula sa Barangay San Vicente Central, Urdaneta City at Reyna Manzano, 3 na residente ng Ambrosio st.

Samantala, ang dalawa na mula sa Dagupan City ay hindi pa nabatid ang pangalan, ayon kay Dr. Leonard Carbonell.

Nagsagawa na ng blood extraction at pangangalap ng impormasyon sa mga pasyente ang mga ipinakalat na medical technologist at isang team mula sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit.

Ang tigdas ay kadalasang umaatake tuwing mainit ang panahon.

Kasunod nito, pinawi ng Malacañang ang pangamba ng publiko lalo na ng mga mambabatas kaugnay ng patuloy na tagtuyot na nararanasan sa buong bansa.

Sinabi ni Pangulong Arroyo na patuloy ang implementasyon ng mga programa at proyekto na tutulong sa mga lugar na apektado ng tagtuyot.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay upang pabulaanan ang mga ulat na ang Budget at Agriculture department ay hindi kumikilos upang labanan ang epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon naman kay Budget Secretary Emilia Boncodin, abala na ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para sa mga proyekto tulad sa irigasyon,

Inihayag din ni Boncodin na maaari ding gamitin ng Malacañang ang calamity fund upang paghandaan ang El Niño. (Ely Saludar)

Show comments