Ito ang naging sagot sa paid advertisement sa dyaryo na ginawa ng ilang opisyal ng PNP na nananawagan sa Pangulo na repasuhin uli ang kuwalipikasyon ng lahat na pinagpiliang kandidato sa susunod na magiging pinuno ng PNP sa sandaling magretiro na si Mendoza sa Setyembre.
Si Mendoza ay nakapagretiro na sana noong nakaraang Marso subalit pinalawig pa ng Pangulo ang serbisyo nito hanggang Setyembre.
Sa ipinalabas na anunsiyo ng mga nagrereklamong opisyal ng PNP,sinabi nilang ang kailangan maging lider ay tapat sa bansa at hindi sa isang grupong pulitikal at makapangyarihang personalidad at kailangan ang promosyon ay base sa merito at pagkilala sa naisakatuparang tungkulin hindi dahil sa maimpluwensiyang taga-suporta.
Subalit hindi kinagat ng Pangulo ang panawagan ng mga nagrereklamong opisyal dahil sa natugunang lahat ni Ebdane ang mga kuwalipikasyong kailangan bilang isang pinuno ng PNP.
Hinamon naman ni Mendoza ang mga taong na sa likod ng nagpalabas ng isang pahinang anunsiyo na lumantad sa publiko at huwag gumamit ng mga propaganda.
Kasabay nito ay itinanggi ni Mendoza na nagkaroon ng demoralisasyon sa loob ng organisasyon dahil sa nalathalang anunsiyo. (Lilia Tolentino at Joy Cantos)