Sinabi ni Villar, sa pamamagitan ng gagawing "independent at comprehensive audit " sa operasyon ng IPPs ay maaring malaman kung may malaking money-making scam dito na ginagawang palabigasan ang sambayanan.
"Kailangan nating tingnan ang kabuuan ng kanilang operasyon partikular sa aspetong pinansyal upang malaman ng taumbayan kung may kakayanan pa ang mga IPPs na ito na mag-generate at mag-supply ng sapat na kuryente sa mga consumers," ani Villar.
Ang hakbang na ito ay nag-ugat matapos lumabas ang ulat na halos 40% ng mga power plant ng IPPs ay tumigil sa kanilang operasyon. Sa kabila nito ay patuloy pa rin sa pagbabayad ang mga consumers sa serbisyo ng mga nasabing planta ng kuryente kahit hindi gumagana ang mga ito.
Samantala, pinayuhan ni Senator Tessie Aquino Oreta ang Department of Justice na tapusin na nito ang ginagawang pagsusuri sa legal aspect ng kontrata ng National Power Corporation sa IPPs at huwag na aniyang hintayin pa ang June 30 deadline, lalo na at nirereklamo ng taumbayan ang PPA.
Sinabi ni Oreta, kailnagan ng bilisan ng DOJ ang tungkulin nito na repasuhin ang power contracts dahil sa pagkabalam aniya ng resulta ng pagsusuri ay maaring maniobrahin ito nang sa gayon ay pumabor ang rekomendasyon sa IPPs kaysa sa gobyerno.
Ayon sa ulat, sinabi umano ni Justice Undersecretary Manuel Teehankee na 10 sa 35 IPP contracts na kanilang natapos at nang suriin ay may mga maling probisyon kung kayat maaring idemanda ang mga ito o idaan na lamang sa re-negosasyon. (Rudy Andal)