Sa ginanap na pagdinig kahapon ng joint Senate committees on energy, public services at ways and means, lumalabas sa datos na ipinalabas ng Public Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp. na 45% o 5,206,000 kabahayan sa buong bansa ang kumokonsumo nang hindi hihigit sa 75 kwh kada buwan kung saan ay mas makikinabang ang nasa lalawigan.
Lumilitaw na maralita pa rin ang pangunahing makikinabang sa naturang probisyon dahil sila lamang ang kumokonsumo ng kuryente na hindi hihigit sa 75 kwh kada buwan.
Hinamon naman ng mga senador ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission na pag-isipan ang pinakamagandang solusyon sa reklamo ng taumbayan hinggil sa PPA.
Magugunita na sa ilalim ng Cayetano bill, ilan pa sa probisyon nito ay isuspinde ang paniningil sa PPA ng anim na buwan o mula sa darating na Hulyo hanggang Disyembre hanggang hindi pa naaaprubahan ng ERC ang Universal Charge ng Napocor.
Simula Enero 2003 naman ay magiging 40 sentimos na lamang ang singil sa PPA ng Napocor mula sa dating P1.20.
Ngunit, bukod sa panukala ni Cayetano ay nais naman ni Senate President pro-tempore Manny Villar na ibalik sa taumbayan ang naibayad na nilang PPA sa pamamagitan ng bawas o discount sa monthly electric bill. (Rudy Andal)