Sa kanyang pakikipagpulong kay Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad matapos magtalumpati sa Pacific Basin Economic Council Meeting sa Kuala Lumpur, hiniling rin ng Pangulo ang patuloy na pagsuporta ng Malaysia sa mga inisyatibong pangkapayapaan at pangkaunlaran sa Mindanao.
Bago lumipad kahapon ng hapon patungong Bangkok, Thailand ay sumaksi ang Pangulo kasama si Prime Minister Mahathir sa paglagda sa trilateral agreement on information exchange and communications procedures.
Ang kasunduang ito na inirekomenda ng Pangulo sa ika-7 ASEAN Summit sa Brunei noong nakaraang Nobyembre ay gumaganyak sa mga kalapit na bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations na lutasin ang mga insidente ng sigalot sa border, seguridad, terorismo at transnational crimes.
Sinabi ng Pangulo na itinuturing niya itong isang mahalagang kontribusyon ng Pilipinas sa pandaigdig na kampanya laban sa terorismo sa pakikipagtulungan ng Malaysia at Indonesia.
Ang Pangulo ay nakatakdang makipag-usap ngayon sa mga business leaders ng Thailand para sa posibleng pamumuhunan sa bansa.
Kasama ng Pangulo si First Gentleman Mike Arroyo at ilang miyembro ng Gabinete at silay nakatakdang bumalik sa bansa bukas ng madaling araw. (Ulat ni Lilia Tolentino)