Ito ang kinumpirma kahapon ng militar matapos madakip ang isang mataas na opisyal ng bandidong grupo sa lungsod.
Ang Abu Sayyaf ang pangunahing pinaghihinalaan sa naganap na pambobomba sa isang mall sa lungsod kamakailan, gayundin sa mga natuklasang bomba na nakatanim sa ibat ibang dako ng Gensan.
Kinumpirma ni Recom 12 Director P/Sr. Supt. Bartolome Baluyot na base sa intelligence report na kanilang nakalap ay kasalukuyan ngayong namumugad sa General Santos City ang may 50 mga miyembro ng ASG na kinabibilangan ng 5 "top personalities" ng nasabing grupo na pawang nagmula pa sa Sulu at Basilan.
Nakakalat umano ngayon ang mga ito sa ibat ibang lugar ng General Santos City upang magsagawa ng pagpapasabog.
Base pa sa report ng AFP Southcom, unti-unti nang nagsisibaba sa kapatagan bunga ng matinding gutom ang mga bandido bunsod ng pinaigting na "crackdown operations" ng militar laban sa naturang grupo.
Ayon sa report, nagsisibaba ang mga ito at nangha-harass ng mga residente upang kikilan ng pagkain, gamot at iba pa nilang mga pangangailangan sa kagubatan habang nagtatago sa puwersa ng mga sundalo.
Nagdedelihensiya umano ang mga bandido ng mga pagkaing de lata tulad ng sardinas, corned beef, bigas at maging ang mga alagang hayop ay ginagapang at ninanakaw.
Tinatakot rin umano ng mga bandido ang mga residente na huwag isusuplong sa tumutugis na tropa ng militar ang kanilang madalas na pagbaba sa kapatagan para manghingi ng pagkain sa mga sibilyan.(Ulat nina Rose Tamayo at Joy Cantos)