Ayon kay DOJ Undersecretary Manuel Teehankee, ang tinatanggap na financial support nina Ocampo at Curato ay maikukumpara lamang sa ibinibigay na tulong ng DOJ sa mga testigong sumasailalim sa Witness Protection Program (WPP).
Sinabi pa nito na maituturing na ang halaga ay pakonsuwelo sa mga ito kapalit ng mga sakripisyong kailangan nilang pagdaanan bilang mga testigo.
Gayunman, malaki ang paniniwala ni Teehankee na walang epekto ang suportang ibinibigay ng Equitable sa dalawang testigo sa testimonya ng mga ito sa korte.
Hindi rin naiwasan ni Teehankee na purihin ang depensa nang palutangin ng mga ito ang usapin ukol sa tulong na tinatanggap nina Ocampo at Curato mula sa naturang bangko. Patunay lamang ito na patas ang nagiging pagdinig sa kaso ng pinatalsik na pangulo.
Aniya, nasa kamay na ng hukuman upang timbangin kung ang mga testigo ay binabayaran upang magsinungaling sa korte o kung ang pagtulong ng nabanggit na bangko ay isang simpleng assistance lamang sa mga testigo.
Nauna nang nabungkal ng depensa ang minutes ng board meeting ng Equitable-PCIBank kung saan nakasaad ang pagpapahintulot ng pagbibigay ng kompensasyon para sa dalawang testigo. (Ulat ni Grace Amargo)