Si Arlene, 36, field reporter ng Net 25 television station ay pinakawalan ng breakaway group ng MNLF at mga dating miyembro ng Abu Sayyaf na pinamumunuan ni Commander Lakandula sa boundary ng Patikul at Indanan sa Jolo dakong ala-una ng madaling araw kahapon at sinundo ni UP professor Dr. Mashur Jundam dakong alas-5:40 ng umaga sa Casanyangan village, Jolo.
Mula sa Casanyangan, si dela Cruz ay sinalubong naman ng grupo nina Sen. Loren Legarda sa Jolo airport patungong Zamboanga City bago ang mga ito nagtuloy at lumapag sa Manila Domestic Airport dakong 11:30 ng umaga.
Bagaman iginiit na walang ransom na ibinayad ang pamilya ni Arlene at ang kanyang paglaya ay isang "unconditional release," sinabi ng isang mataas na opisyal ng militar na tumangging magpabanggit ng pangalan na nakatanggap sila ng impormasyon na nagbayad umano ng P2 milyon ransom ang mga negosyador kapalit ng pagpapalaya dito.
"Is it really an abduction or a drama, eversince she is not cooperating with the military, we received an information that a P2-M ransom was paid in exchange for dela Cruz freedom," pahayag ng opisyal na nagsabi pang personal na kilala ni dela Cruz ang kanyang mga abductors.
Sinabi naman ni Lt. Jose Mabanta, chief ng AFP-Public Information Office na hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa nila ang tunay na mga pangyayari sa likod ng umanoy pagkakadukot at pagpapalaya kay dela Cruz.
"We are still finding out the details surrounding the kidnapping and eventual release of Miss Arlene dela Cruz. Mysteries still shrouds the hostaging incident which only Arlene can finally explain," pahayag ni Mabanta.
Nabatid na naging instrumental si Sen. Loren Legarda at Dr. Jundam sa paglaya ni Arlene. Nagsilbing intermediary si Dr. Jundam sa pagitan ng mga Muslim at kay Legarda.
"Masayang masaya po ako at nakabalik na ako. Talagang kinaawaan po ako ng Diyos dahil alam kong maraming nag-akala na patay na ako at marami rin ang gustong mamatay na ako, pero sa awa po at tulong ng Diyos ay nakabalik na ako, and by the grace of God Im finally home, finally free," lumuluhang pahayag ni Arlene.
Si Arlene ay dinukot noong Enero 20 taong ito habang papunta sa kuta ng Abu Sayyaf para magsagawa ng interview sa mga bandido. Dalawa sa kanyang mga guide ang pinugutan ng ulo.
Pagkatapos nito ay agad humihingi nang P40 milyon ransom money ang grupo ni Lakandula sa pamilya dela Cruz bilang kapalit sa paglaya nito. (Ulat nina Joy Cantos at Butch Quejada)