Sa ginanap na press briefing kahapon, sinabi nina Bayan Muna Partylist Reps. Crispin Beltran, Satur Ocampo at Liza Maza na inihain nila ang House Resolution 505 upang maimbestigahan ang PPA upang mabatid kung makatwiran ang hakbang ng Meralco na ipaako sa taumbayan ang pagkakautang nito sa pamamagitan ng PPA.
Sinabi ni Beltran na ang Meralco bilang isang pribadong distributor ng elektrisidad sa Metro Manila, Bulacan, Cavite at Rizal gayundin sa ilang bahagi ng Laguna, Quezon, Batangas at Pampanga ay nagpapataw sa mga consumer nito ng automatic adjustments sa pamamagitan ng PPA simula pa nong 1997.
Sa pamamagitan umano ng PPA ay makakarekober sa pagkalugi ang Meralco subalit hindi aniya makatwiran na ipasa ito sa taumbayan.
Nabatid na ang PPA nitong nakalipas na mga taon ay tumaas nang 195% mula sa dating P1.09 per kilowatt hour noong Hunyo 1999 hanggang P3.22 nitong Marso 2002.
Binigyang diin ng tatlo na mahalagang maipaliwanag sa publiko ng Meralco at executive branch ng pamahalaan sa pamamagitan ng Dept of Energy at Energy Regulatory Commission ang mekanismo sa pagpapataw ng PPA. (Ulat ni Joy Cantos)