3 parak niratrat ng 20 holdaper

Tatlong pulis at isang traffic aide ang kumpirmadong napatay, samantala dalawa pa ang sugatan matapos na pagbabarilin ng tinatayang 20 holdaper ang kanilang police outpost habang papatakas ang mga salarin matapos manloob sa isang jewelry store sa Meycauyan, Bulacan kahapon ng hapon.

Idineklarang dead-on-the spot ang mga biktimang sina SPO2 Zosimo Jocson, 51; SPO1 Emmanuel Arce, 49, at traffic aide na si Fortunato Culianan, 38, samantala namatay habang ginagamot sa BA General Hospital si P/Sr. Insp. Jose Valdez, 55. Dalawa katao pa ang nasa malubhang kalagayan na hindi nakuha ang mga pangalan.

Sa inisyal na report ng Meycauyan PNP, naganap ang madugong insidente sa N & L jewelry store na nasa Marian building panulukan ng Calbayo at Meycauyan highway sa Bgy. Malahacan bandang 1:45 ng hapon.

Sa pahayag ng mga saksi, pinasok ng mga suspek na pawang armado ng M-16 at M-14 rifles, caliber .45 at carbine ang naturang tindahan ng mga alahas at agad pinaputukan ang sekyu dito.

Tinangay ng mga holdaper ang hindi pa mabatid na halaga ng mga gold jewelries at ginamit na get-away vehicles ang mga sasakyan na nasa Marian building na kinabibilangan ng Revo na may plakang WRV-110, isang stainless owner-type jeep at isang pampasaherong jeep.

Subalit habang papatakas ay nadaanan nito ang isang police outpost na kinaroroonan ng mga pulis na ilan sa kanila ay nagta-trapik at walang sabi-sabing inarmalayt ang mga biktima.

Hinihinalang ang pamamaril ng mga suspek ay upang pigilan ang mga rumespondeng awtoridad na sila’y mahabol.

Isang follow-up operation na ang inilunsad laban sa mga salarin na namataang patungong Maynila. (Ulat ni Doris Franche at Efren Alcantara)

Show comments