Sinabi ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) na nakakasuklam na ang tanging okasyong nagbibigay importansiya sa pakikipaglaban ng manggagawa para sa kanilang karapatan at kapakanan ay binastos at minaliit ni Pangulong Arroyo para lang maisulong ang kanyang "holiday economics."
"Ang deklarasyon ng Malacañang sa Mayo 1 bilang isang working holiday ay isang pang-iinsulto sa manggagawa at pagpapakita ng pagkatakot ng administrasyon sa nationwide protest na maglalantad sa Pangulo bilang isang anti-people president," pahayag ni Elmer Labog, secretary general ng KMU.
Ayon naman sa Buklurang Manggagawang Pilipino (BMP), ang hakbang na ito ng administrasyong Arroyo ay isang pagyurak sa dignidad ng manggagawa at malaking paglapastangan sa isa sa pinaka-sagradong araw ng mga obrero.
"Wala na kaming inaasahang regalo mula sa Pangulo para sa Araw ng Manggagawa dahil nauna na niyang idineklara na anti-labor ang umento. Ngayon naman ay iniinsulto ni GMA ang manggagawa sa pagbabalewala sa makasaysayang araw ng Mayo 1 dahil lang sa "holiday economics" na isang kalokohan," sabi ng BMP. (Ulat ni Lilia Tolentino/Andi Garcia)