DTI mananagot kapag tumaas ang bilihin

Tiniyak kahapon ni Senador Francis Pangilinan na mananagot si Trade and Industry Secretary Mar Roxas III kapag tumaas ang presyo ng pangunahing bilihin kasunod ng pagtataas naman ng halaga ng produktong petrolyo.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Pangilinan na dapat tutukan ng Department of Trade and Industry ang pamilihan upang maharang ang mapagsamantalang negosyante kapag tuluyan nang hindi napigilan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangilinan na hindi komo itinaas ng mga kumpanya ng langis ang singil sa mga produktong petrolyo ay mangangahulugan ito na awtomatiko na ring tataas ang halaga ng mga bilihin.

Aniya, ito ay dahil sa may mga nakaimbak pang produkto ang mga merkado na nabili nila dati sa mas murang halaga kaya walang dahilan na pati ang mga ito ay ibenta nila ng mas mahal bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis.

Bukod sa DTI, hinikayat din ng senador ang Department of Energy na humanap ng mga alternatibo upang ang Pilipinas ay hindi na kailangang dumepende sa langis.

Aniya, kung nakadepende na lamang ang ating bansa sa langis sa pagpapatakbo ng kuryente, sasakyan at iba pa ay kaawa-awa lamang tayo. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments