3-4 guro sa public schools hindi marunong gumamit ng computer

Nadismaya kahapon si Senator Tessie Aquino-Oreta matapos na matuklasang tatlo hanggang apat sa limang guro sa mga pampublikong paaralan ay salat sa kaalaman sa paggamit ng computers.

Dahil sa kakulangan ng kaalaman ng mga guro, sinabi ni Oreta na nangangamba siya na baka mauwi sa wala ang plano ng administrasyong Arroyo na paunlarin ang larangan ng information and communications technology (ICT).

Nabatid na sa isang pag-aaral ng tanggapan ng senador noong nakaraang Kongreso, halos higit sa kalahati ng mga empleyado sa mga pampublikong paaralan ay walang kaalaman sa paggamit ng mga computers.

Lumalabas na 64.19% sa mga school personnel ay hindi marunong gumamit ng computers. Nagtala ang Cordillera Administrative Region ng 75.86% ng bilang ng mga school personnel na kulang sa kaalaman sa pagpapatakbo ng computer. Pumapangalawa sa CAR ang Eastern Visayas na nagtala ng 74.7%.

Ang iba pang mga rehiyon na maraming gurong hindi computer literate ay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao na mayroong 65.02%; Panay Island, 71%; at Bicol Region, na bayan ni Education Secretary Raul Roco na nagtala ng 64.43%.

Napag-alaman pa na sa loob ng halos limang taon ay 13.13% lamang ang bilang ng mga pinuno ng public school na sumailalim sa information and communication technology training habang ang 74.36% ay nananatiling walang training na tinatanggap.

Ani Oreta, panahon na upang mamulat ang Department of Education sa mga kakulangang ito bago pa mahuli ang lahat at maiwan ang ating bansa sa larangan ng ICT. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments