Sa apat na pahinang legal opinion na ipinalabas ni Justice Secretary Hernando Perez, sinabi nito na hindi pinapayagan ng batas na makakuha ng board exam sa kahit na anong kurso, partikular na sa hanay ng medisina ang isang dayuhang estudyante.
Ang pagpapalabas ng nasabing opinion ay alinsunod sa naging liham ni Professional Regulation Commission (PRC) chairperson Antonieta Fortuna-Ibe, dahil na rin sa dami ng mga dayuhang mag-aaral na nais kumuha ng board exam upang magkaroon ng lisensya na linya sa kanilang propesyon.
Nilinaw ni Perez ang Republic Act 4410 section 17 kung saan nakasaad dito na tanging mga Pilipinong estudyante lamang ang maaring makakuha ng board exam upang magkaroon ng lisensiya.
Aniya, malinaw ang isinasaad ng batas at walang dahilan upang itoy kuwestiyunin at pagdudahan.
Iginiit ng kalihim na hindi maaaring makapagsagawa ng kanilang propesyon ang mga ito saan mang panig ng Pilipinas. (Ulat ni Grace Amargo)