Sinabi ito ni Perez makaraang makakuha ng impormasyon na may hawak na Taiwanese passport si Ang dahil sa pagiging Fil-Chinese nito.
Nilinaw ni Perez na kanselado na ang Philippine passport ni Ang kaya maaaring gamitin nitong depensa para makalaya ang kanyang Taiwanese passport at tuluyan nang magtago doon.
Lumiham na si Perez kay Vice President at Foreign Affairs Sec. Teofisto Guingona at Manila Economic Cultural Office ng Taiwan para siyasatin ang naturang ulat.
Si Ang ay kasalukuyan ngayong nakakulong sa Las Vegas, Nevada County Jail makaraang maaresto siya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) agents sa Paris Hotel noong Nob. 25, 2001.
Inaresto si Ang dahil sa inihaing extradition request ng pamahalaang Pilipinas sa Estados Unidos. Kabilang siya sa mga kinasuhan ng paglabag sa anti-plunder law kasama ang mag-amang sina dating Pangulong Estrada at Jinggoy at Yolanda Ricaforte.
Sinabi ni Perez na naninindigan pa rin ang gobyerno na tutulan ang kahilingan ni Ang para bigyan siya ng political asylum.
Nabatid na walang umiiral na extradition treaty sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas kaya nababahala ang DOJ na tuluyang magtago si Ang dahil sa pasaporte nito sa Taiwan. (Ulat ni Grace Amargo)