Si "Tata", 38 anyos, may apat na anak at residente ng Zamboanga del Norte ay may dalawang buwan pa lamang namasukan bilang fish ball worker sa Kuala Lumpur ng dumanas ng matinding kalupitan sa kamay ng kanyang buhong na amo.
Ayon kay Tata, nagsimula ang kanyang kalbaryo sa kamay ng kanyang among si George Tee, isang Chinese national nang umpisahan siyang iniksyunan ng hindi malamang gamot sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Sinabi nito na nakakaranas siya ng pagsusuka at pagkahilo at madalas wala sa sarili na halos ikabaliw niya.
Binanggit ni Tata, kapag wala siya sa sarili ay madalas siyang gahasain ng kanyang amo at kapag hindi ito nasiyahan ay pinagagamit pa siya sa apat na lalaki kabilang ang kapatid nitong si Lawrence.
Ayon kay Tata, dalawang oras lang ang tulog niya sa madaling araw at kung pakainin naman ng kanyang amo ay parang kanin baboy ang ibinibigay nito na hindi puwedeng kainin ng normal na tao.
"Ako ang bumibili ng pagkain ko dahil hindi ko nga makain ang pinakakain ng buhong kung amo," ani Tata.
Sinabi ni Tata, na halos wala siyang perang naipon dahil ang sinasahod niya kay Tee ay 500 Ringgit lamang samantalang ang 300 Ringgit ay pinadadala ng huli sa kanyang agency sa Kuwait na humahawak sa kanila.
Isang Pinay DH ang may mabuting kalooban ang tumulong kay Tata at inireport nito ang panyayari kay Philippine Ambassador to Malaysia Jose Brilliantes.
Samantala, si "Josie" ay galing Kuwait at sa apat na buwan nitong paninilbihan bilang katulong sa nasabing lugar ay apat na amo ang kanyang nililipatan at pinagsisilbihan.
Si Josie, 31, biyuda, may dalawang anak at taga-Biliran.
Ayon kay Josie, umalis siya sa bansa noong Disyembre 7, 2001.
Ang mga employer ay sina Hadib, Hamad at dalawa pang Kuwaiti nationals.
Ayon kay Josie, isa sa kanyang employer ang umanoy naglagay nang kung anong gamot sa kanyang pagkain kaya halos wala siyang matandaan sa mga nangyari sa kanya.
Sinabi ni Josie na para siyang sinapian ng demonyo dahil nakakarinig siya ng mga bulong kaya hindi niya mapigilan ang kanyang sarili.
Ayon kay Josie, dinala siya sa detention cell ng kanyang agency at madalas pukpukin ng isang male staff sa pamamagitan na pagpapalo sa kanyang ulo ng isang plastic tube.
Gayunman, nalaman ni Hadib ang kanyang naranasang kalupitan sa kamay ng kung sinu-sinong kababayan nito kaya tinulungan na lamang siya nitong makauwi sa Pilipinas.
Base sa isinagawang findings ng Sunrise Hill Therapeutic Community ay dumanas ng trauma, fixed blank stares, delayed reactions, unresponsive at times at dis-oriented si Josie.
Ayon kay OWWA Administrator Wilhem Soriano, sina Tata at Josie ay ilan lamang sa mga OFWs na nakaranas ng malupit na karanasan sa ibang bansa.
Ayon kay Soriano, hinihintay na lamang umano nilang gumaling ang dalawa bago tuluyang pauwiin sa kani-kanilang mga pamilya bukod pa sa kaunting puhunang ipapahiram sa kanila ng pamahalaan.(Ulat ni Rose Tamayo)