Sinabi ng Pambansang Kilusan para sa Batayang Sektor (PKBS) Foundation na ayon sa ulat ng US Center for Disease Control and Prevention, ang sobrang antibiotics sa pag-aalaga ng manok ay nagiging dahilan upang magkaroon ng mga bacteria na hindi na tinatalaban ng antibiotics katulad ng salmonella na puwedeng maipasa sa tao.
Ang nasabing report na nalathala sa New England Journal of Medicine ay nagsabing 47% ng mga manok na binili mula sa 26 supermarkets sa apat na estado ng US ay natagpuang may mikrobyong enterococcus faecum na hindi na tinatablan ng quinupristin-dalfopristin.
Kamakailan ay ipinagbawal ng Ukraine at Russia ang pagpasok ng mga manok mula sa US dahil sa kabiguan ng mga awtoridad doon na patunayang ligtas para sa tao ang antibiotics na ginagamit sa pag-aalaga ng manok at pabo sa Amerika.
Sinabi ng PKBS na bukod sa pagtiyak na ligtas ang mga manok na galing sa US, kailangan ding suriin ng DA ang gawain ng ilang importer ng manok na pinapalitan ang balutan ng nasabing mga produkto para palabasing local ang mga ito.