Sina Attys. Mario Ongkiko at Rodolfo Jimenez ay inalis bilang pagkatig sa inihain ng mga itong mosyon na tanggalin na sila sa mga bagong counsel de officio para magtanggol sa kasong perjury at plunder ni Estrada sa nasabing korte.
Sa isang open-court decision, sinabi ng mga mahistrado na itoy bunga na rin ng kadahilanang si Ongkiko ang isa sa mga nagsulong ng impeachment ni Estrada habang si Jimenez ay makakagulo lamang umano sa kaso dahilan sa patuloy na paggigiit na suspindihin ang pagdinig.
Ipinaliwanag ng korte na dapat bawiin ang appointment kay Ongkiko matapos nitong aminin na may partisipasyon siya sa impeachment trial laban sa dating presidente.
Ipinalit kina Ongkiko at Jimenez si Atty. Noel Malaya, dating abogado ng talent manager na si Lolit Solis sa 1994 Manila Filmfest scam.
Malugod namang tinanggap ni Atty. Malaya ang appointment at aniyay maituturing na isang karangalan ang ginawang pagtatalaga sa kanya at kailangan niyang tanggapin ang naturang utos ng Hukuman.
Mananatili naman ang appointment nina retired Presiding Justice Manuel Pamaran, Attys. Prospero Crescini at Irene Jurado ng pribadong sektor.
Kasabay nito ibinasura ng Special Division ang kahilingan ng defense team na italaga ang mga sinibak na abogado ni Erap bilang counsel de officio.
Ipagpapatuloy naman ng Public Attorneys Office (PAO) ang pagtatanggol sa kaso ni Estrada.
Magugunita na humiling ang PAO na tanggalin na sila sa eksena bilang tagapagtanggol sa kaso ni Erap dahil bagsak ito sa kuwalipikasyon para maging isang indigent client na sumusuweldo ng P12,000-P14,000.
Samantala, ni-recall ng Special Division ang tatlong beses sa isang linggong pagdinig sa mga kaso ng pinatalsik na dating pangulo.
Itinakda na lamang ito ng dalawang beses kada linggo tuwing Lunes at Miyerkules na isasagawa sa susunod na buwan ng Abril at Mayo.
Ipinaliwanag ni Associate Justice Edilberto Sandoval na itoy upang mabigyan ang magkabilang panig lalo na ang mga bagong tagapagtanggol ng sapat na panahon para mapag-aralan ang kaso ni Estrada. (Ulat nina Joy Cantos at Grace Amargo)