Ang hakbang ay ginawa ni Lastimoso makaraang makatanggap ng report na ilan pa ring LTO district at regional officials ang pumapayag na mag-operate ang mga hindi accredited drug testing centers kapalit ng malaking halaga.
Inihalimbawa nito ang hepe ng LTO branch sa Noveleta, Cavite na si Gener Ortiz na sinuspinde niya ng anim na buwan dahil sa umanoy pagpabor nito sa operasyon ng dalawang illegal na drug-testing centers sa naturang lugar kapalit ng malaking halaga.
Si Ortiz ay una nang ipinagharap ng kaso sa Ombudsman ng Philippine Drug Testing Center Inc. bunga ng pagtanggap nito ng P50.00 sa bawat motorista na sasailalim sa drug test.
Una rito, inutos ni Lastimoso kay LTO drug test committee chairman Daisy Jacobo na ilabas at ipaskil sa lahat ng sangay ng LTO ang mga accredited drug testing centers upang malaman ng mga tao ang lehitimong nag-ooperate ng drug test at mawalis ang mga illegal drug testing centers.
Inanunsiyo din ni Lastimoso na tanging Prism code lamang ang maaaring gamitin ng lahat ng accredited drug testing centers para sa kanilang operasyon dahil wala itong kinikilingan dahil walang pagmamay-aring drug test center.
Maaari umanong magkaroon ng anomalya sa resulta ng drug test ang isang motorista kapag ibang information technology company ang mangangasiwa sa IT code ng mga dtcs dahil mayroon silang pagmamay-aring drug testing centers. (Ulat ni Angie dela Cruz)