Sa isang panayam sa telebisyon kahapon, sinabi ni Estrada na bagaman at si Davide ang talagang napipisil niyang gawing chief justice noong siya pa ang pangulo ng bansa base na rin sa rekomendasyon ni Narvasa, ay lumapit pa ito kay Lucio Tan upang mag-lobby.
Hindi na umano siya nagtataka kung bakit nababaluktot na ang judicial system ng bansa at nawalan na siya ng tiwala sa hustisya.
"Inimbita po ako ni Mr. Lucio Tan doon sa kanyang penthouse sa Century Park Hotel, inimbita po akong mag-dinner, pagpasok ko ho doon sa kanyang penthouse, nakita ko po yang si Justice Davide na pinakikiusap ni Mr. Lucio Tan, nagulat ako kung bakit hanggang kay Lucio Tan ay nakiusap siya," sabi ni Estrada.
Tinira rin ni Estrada si Davide dahil hindi umano nito ginampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapabalik sa mga prosecutors para tapusin ang impeachment trial.
Pinabulaanan naman ni Davide ang mga banat na ito ni Estrada laban sa kanya. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)