Kasabay nito, iniutos din ni Arroyo ang madaliang pagpapagawa ng mga silid-aralan para sa 1,612 barangay sa buong bansa para matugunan ang kakulangan ng paaralan.
Ayon sa Malacañang, ang mga bagong gurong kakalapin ay pinaglaanan na ng P1.98 billion pondo na nakapaloob sa pinagtibay na pambansang badyet ng Kongreso sa taong 2002.
Inihayag ni DECS Secretary Raul Roco na nakapagsimula na silang magpaanunsyo sa mga pahayagan sa mga kuwalipikasyon ng mga bagong gurong kakalapin.
Ang mga kuwalipikado anyang aplikante ay mabibigyan ng notisya ng pagtanggap sa tungkulin hanggang katapusan ng Abril para pumailalim sa isang in-service training sa Mayo bilang paghahanda sa pagbubukas ng paaralan sa Hunyo.
Hinggil sa ipatatayong paaralan, sinabi ni Roco na natukoy na nila ang 1,612 barangay na nangangailangan ng gusaling pampaaralan.
Sa susunod na anim na buwan may 345 gusaling pampaaralan ang maitatayo umpisa sa pagpapagawa ng 45 gusali sa susunod na buwan.
Mula Mayo at Hunyo, 150 school building ang ipagagawa at panibagong 150 ang itatayo mula Hunyo hanggang Hulyo ng taong ding ito.
Kabilang sa ipapatayong paaralan ay sa 263 malalayong baryo na itatayo ng mga sundalong militar. (Ulat ni Lilia A. Tolentino)